Imbak para sa Oktubre, 2009

Kung Bakit Mahirap Magtiwala

Posted in Uncategorized on Oktubre 10, 2009 by carloislord

Anong buwan na ba ngayon? Oktubre na pala. Kung susumahin, halos 7 buwan na lang at panahon na naman ng halalan. Para sa mga tao na nangagarap na maging susunod na Pangulo ng republika ng Pilipinas.

Marami na rin nangyari sa loob ng halos ilang buwan, mula ng magdeklara ang ilang mga politiko ng kanilang interes sa pagtakbo. Si Mar Roxas umatras na sa pagkandidato, kasi si Noynoy yung tatakbo para sa Liberal Party. Ang bait ni Mar. Para raw kasi sa greater good of the Filipino people yung kanyang gagawin (ginawa). Ang nakatatawa, at nakagugulat na rin, ay kung bakit. Dahil lang sa pagkamatay ni dating Pangulong Cory Aquino, diumano, ay muling nabuhay ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, kaya naman pinili ng marami ( na sa totoo’y kaunti lamang) na tumakbo bilang pangulo si Noynoy, na anak ni Cory at Ninoy. Tiwala ang mga tao, kahit mga political analyst, na hindi raw sisirain ni Noynoy ang pangalan at legacy na iniwan sa kanya ng kanyang mga dakilang magulang. Nakakapagtaka lang, ang bilis magtiwala ng mga Pilipino. Dahil lang sa ang magulang ni Noynoy ay ganoon, automatic na rin ban a si Noynoy ay magiging ganoon na rin? Teka, marami pang kuwento. Si Bayani Fernando, bitter na lang kasi hindi siya ang pinili ng LAKAS-KAMPI CMD na maging Standard Bearer ng Partio nila. Talo siya sa debate kay Gilbert Teodoro. Si Chiz Escudero, naghihintay na lang ng Birthday bago magdeklara ng pagtakbo. At si Manny Villar, hayun at patuloy pa rin sa paggastos.

Talaga nga naman at malapit na ang halalan. Kahit mga Media Groups, mainit na rin sa pagbabantay sa darating na eleksyon. Marami na talagang campaigns para raw masigurado na katiwa-tiwala ang magaganap na halalan sa 2010.

Kung iisipin, aba, mukhang malaki pa rin ang tiwala at sampalataya ng mga tao na magbabago ang paghihirap nila sa kasalukuyang sistema ng dahil sa eleksyon na darating. Na ang bawat boto na kanilang isusulat sa balota ay mangangahulugan ng pag-aambag sa pagbabagong panlipunan.

Sa konteksto, at mandato ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, nakasaad na ang pagboto ay hindi lamang isang karapatan, kung hindi ay isa rin obligasyon para sa pagtulong upang mabago ang umiiral na sistema sa ating lipunan. Bahagi raw ito ng ating Demokrasya. Aba. Ang sarap pakinggan.

Pero kasi, ang hirap nang magtiwala.

Huwag naman sanang isipin na ako ay isang skeptic, na walang ngang tiwala sa mga nangyayari sa ating lipunan. Mayroon pa naman akong tiwala. Lamang, ako ay talaga naman na dalang-dala.

Kung pag-aaralan ang isang Pilosopo na si Friedrich Nietzsche, makikita ang batayan ng aking mga sinasabi. Isa siya sa mga nagtaguyod, kung hindi man nagpasimula sa pilosopiya ng NIHILISM. Pero ano nga ba ito. Simple. Si Nietzsche, bilang isang forerunner ng existentialism ay naniniwala na wala ng universal truth. Na wala na rin right or wrong dahil wala ng Christian God na siyang pinagmumulan ng lahat ng Moral ng bawat tao. Kaya nga ba at sa kanyang libro na Gay Science, sinabi niya na “God is Dead, and we have killed him”. Hindi na kasi sumasapat pa, maging ang turo ng relihiyon upang magtiwala pa ang tao sa kasalukuyang sistema. Kahit ang relihiyon kasi, ay may bahid na ng dumi at katiwalian. Na ang inihahapag nitong mga katuruan, ay hindi na sumasapat upang mapabuti ang kabuhaya ng isang tao. Tulad halimbawa ng isang kasabihan. “Blessed are the poor in spirit, for theirs is the kingdom of heaven.”. Hala ka. Papaano kung wala naman talagang Kingdom of Heaven na naghihintay para sa mga mahihirap. E di habangbuhay nilang niloko ang sarili nila na sila ay pinagpala ng Panginoon?

Ganito ang Moral, at maging ang Existential Nihilism. Tinuturuan ang tao na magduda sa mga kasalukuyang sistema. Politikal man yan o ispiritwal, mahirap ang magtiwala. Siguro, kung marami ring Pilipino ang nakapagbasa na, kung hindi man naaral ang Nihilism ni Nietzsche, marami na ang nagbansag sa sarili nila na mga Nihilist. O baka Postmodern. O mga Antifoundationalist. Wala ng sampalataya ang mga tao sa kasalukuyang sistema. Ika nga ng ilang mga matatanda, “kahit sino pa ang ilagay sa puwesto, parehas lang na kurakot ang mga iyan!” Ang hirap na kasing magtiwala sa mga tao na namumno sa atin. Lalo na sa sistemang napakahabang panahon na na nagpapahirap sa atin. Si Marcos na diktador ay pinalita ni Cory na haling naman sa Privatization, na isa rin sa mga may-ari ng Hacienda Luisita kung saan marami ang pinaslang na magsasaka at manggagawang bukid. Si Erap na kurakot, pinalitan naman ng isang mas kurakot na, mas pasista pa na si Gloria Macapagal Arroyo. EDSA 1 na walang ibinunga na maganda, hanggang sa EDSA 2 na lalo pang napasama. Parang napakahirap nang maniwala sa ganitong sistema. Pangalan laman ang nagbabago, pero ang kahirapan ng tao, ganoon pa rin. O di naman kaya ay mas lalo lamang lumala.

Pero kung mayroong NIHILISM, gumawa rin naman si Nietzsche ng solusyon para rito. Kung hindi na nga naman sasapat ang Panginoon para turuan tayo ng tama at mali, bakit hindi tayo ang gumawa ng sariling verion natin nito? Nagpanukala siya na palitawin ang mga bagong uri tama at mali. Na tinawag niya na revaluation of values/ morals, na ang mga tao rin ang magtatakda.

Ang panukala ko naman ay ito. Bakit kaya hindi magkaroon ang mga Pilipino ng sarili nitong version ng revaluation of values/ morals sa usapin ng sosyo-politikal na pagbabagong panlipunan?

Kung mahirap nang magtiwala sa ganitong klase ng sistema, mas mahirap naman yata na mayroon ka ng disgusto, o ikaw ay diskontentado na sa sistema, ikaw ay mananatiling tahimik at nagpapaloko. Masakit man na isipin, ganito ang karamihan sa mga Pilipino. Nagkakasya na lamang tayo na magtext sa Boto mo, I-Patrol Mo, o kaya naman ay magsuot ng dog tag ng Ako Mismo para sa pagsuporta sa pagbabago.

Hindi na ako mangangaral. Mag-iiwan na lamang ako ng paalala. Hindi tao ang dapat na binabago kung hindi ang sistema. At hindi kailanman sasapat ang halalan, o eleksyon para magdala ng tunay na pagbabago. Dapat siguro ay manawagan na ng rebolusyon.